Umabot na sa 160,000 ang kaso ng influenza sa Japan, na nagdulot ng pansamantalang pagsasara ng mahigit 8,000 nurseries, kindergartens, at elementary at middle schools.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez – Bombo International News Correspondent ang mabilis na pagkalat ng virus ay nagpataas ng alert level sa 35 mula sa 47 prefectures sa bansa, kung saan karamihan sa mga apektado ay mga bata.
Ayon kay Galvez, halos pareho ang sintomas ng influenza A at B, tulad ng lagnat at runny nose, ngunit ang influenza B ay nagdudulot din ng pananakit ng tiyan, na karaniwang nararanasan ng mga bata.
Maraming paaralan ang pansamantalang nagsara, at ipinapayo sa mga magulang na huwag papasukin ang mga batang may lagnat na lampas 38°C.
Ngayong February pa lang, umabot na sa 8,174 ang mga paaralan na nagsara at aramihan ay kindergarten, elementary, at junior high school.
Dagdag pa niya, ang pabago-bago ang klima sa Japan, kasama ang mababang humidity at biglaang pagbabago ng temperatura, ay nagpapabilis sa pagkalat ng virus.
Bagaman may alert level ang mga prefectures, nananatiling bukas ang mga pampublikong lugar tulad ng parks, restaurants, at hotels.
Ipinapatupad lamang ang standard operating procedures sa mga paaralan kapag may sampung estudyante sa isang klase na nagkasakit, isinasara naman ang klase at kapag tatlong klase na ang apektado, isinasara ang buong paaralan.
Tatlong pangunahing dahilan ang nakikita ng mga otoridad sa mataas na bilang ng kaso ngayong 2026 ito ang madalas na biyahe ng mga Hapon at turista, pabago-bagong klima, at pagbaba ng immunity level mula sa epekto ng COVID-19.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso, may sapat pang bed capacity at gamot sa mga ospital, at inaasahang magpapatuloy ang monitoring hanggang Abril.
Patuloy rin ang pagdating ng mga turista dahil sa cherry blossom season, ngunit pinapayuhan silang maging maingat.










