Dagupan City – Nakatakdang magtipon ang Filipino Community sa harap ng gusali ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague bilang pagpapakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Daguan kay Amik Garceniego, Vice Chairman ng United Filipinos Global-UK ibinahagi nito na abala na ang kanilang hanay sa paghahanda para sa nakatakdang rally.

Layunin umano aniya ng pagtitipon na ipahayag ang kanilang paninindigan kaugnay ng mga usaping kinahaharap ng dating pangulo sa ICC.

--Ads--

Gayunman, aminado ito na dahil sa limitadong espasyo at mga patakaran sa lugar, tinatayang nasa 100 katao lamang ang papayagang makilahok sa naturang pagtitipon.

Sinabi ni Amik na isa sa kanilang inaasahang resulta matapos ang confirmation of charges hearing ay ang pagbibigay-linaw sa mga isyu na kinahaharap ng dating pangulo, pati na rin ang pagwawakas ng mga agam-agam ng kanyang mga tagasuporta.

Muli naman itong nanindigan sa kwestyonable umanong naging pag-aresto sa dating pangulo, at iginiit na dapat masuri kung nasunod ang mga karapatan at kung may sapat na hurisdiksyon ang ICC sa isinagawang aksyon laban sa kanya.

Umaasa naman ang grupo na sa pagdinig ay malinaw na maipapaliwanag ang mga tamang proseso at alituntunin pagdating sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang Pilipino.

Panawagan naman nito na hangad nila ang pagkakaroon ng transparency at accountability sa buong proseso, alinsunod sa umiiral na batas at pandaigdigang pamantayan.