Dagupan City – Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Calasiao sa pangunguna ng alkalde ng bayan na si Mayor Patrick Caramat, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, ang Parongking River Restoration Program sa nasabing bayan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa pangangalaga ng kalikasan.
Layunin ng inisyatiba na maisulong ang mas malinis, mas ligtas, at mas maayos na kapaligiran para sa mga residente, lalo na sa mga komunidad na malapit sa Parongking River. Naging tampok sa programa ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor upang maibalik at mapanatili ang kalinisan ng ilog.
Dumalo rin si Governor Ramon Monmon V. Guico III kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at tuloy-tuloy na pakikipagtulungan ng bawat mamamayan at ng pamahalaan upang makamit ang pangmatagalang solusyon sa suliranin sa kapaligiran.
Ipinakita sa naturang aktibidad ang matibay na ugnayan ng lokal at panlalawigang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan.
Inaasahan naman na mas mapapangalagaan ang ilog at masisiguro ang mas maayos na kapaligiran para sa bawat residente ng bayan.










