DAGUPAN CITY—Nanawagan ang August 21 Movement (ATOM), sa pangunguna ni Pangulong Volt Bohol, ng mas malawak na pakikilahok ng publiko sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.

Ayon kay Bohol, patuloy na nakikisa ang kanilang grupo sa mas malaking koalisyon na Trillion Peso March Movement upang igiit ang panawagan laban sa malawakang at sistematikong korupsiyon sa pamahalaan, gayundin sa umiiral na political dynasty sa bansa.

“Parang nag-full circle tayo mula 1986,” ani Bohol, sabay banggit na ang mga isyung tinutulan noong panahon ng diktadura; kabilang ang sabay-sabay na paghawak ng kapangyarihan ng magkakamag-anak, ay nananatiling problema hanggang ngayon.

--Ads--

Tinukoy rin ni Bohol ang pagdedeklara ng Pebrero 25 bilang special working holiday, na aniya’y kakaiba kumpara sa ibang holiday sa bansa. Ayon sa kanya, may hamon ito sa partisipasyon ng mga nais dumalo sa mga aktibidad dahil marami ang may pasok sa trabaho.

Gayunman, ikinatuwa ng ATOM ang ilang unibersidad at kolehiyo na nagdeklara ng suspensyon ng klase upang makahikayat ng mas maraming kabataan na makilahok sa mga aktibidad kaugnay ng paggunita ng EDSA.

Bagama’t may mga aktibidad na inihahanda sa kahabaan ng EDSA, sinabi ni Bohol na maaaring mag-organisa ng katulad na pagtitipon sa mga probinsya.

Sa gitna ng mga isyu ng korupsiyon at iba pang kontrobersiya, hinikayat ni Bohol ang publiko na balikan ang diwa ng EDSA.

“People power noon, people power ngayon—tayo ang people power,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang EDSA ay hindi lamang naganap sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa. Aniya, mahalagang yakapin muli ang alaala ng 1986 bilang paalala na may kapangyarihan ang mamamayan na magbunsod ng pagbabago sa mapayapang paraan.

Sa huli, iginiit ng ATOM na ang paggunita sa EDSA ay hindi lamang seremonya kundi panawagan sa aktibong pakikilahok ng publiko—hindi lamang sa social media, kundi sa konkretong pagkilos para sa reporma at pananagutan sa pamahalaan.