Dagupan City – Pinuri at kinilala ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang Pamahalaan Panlalawigan ng Pangasinan sa kanilang mga programa at proyekto na naglalayong paunlarin ang turismo sa lalawigan.
Ayon kay Sec. Frasco, kapansin-pansin ang mainit na pagtanggap at pagiging bukas ng mga residente sa mga bisita, bagay na mahalagang elemento sa pagpapalakas ng turismo.
Aniya, ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan ay malinaw na nakatuon sa sustainable tourism kung saan tunay na pinahahalagahan at inaalagaan ang mga destinasyon sa lalawigan.
Ikinuwento rin ng kalihim na noong una siyang maitalaga ng Pangulo bilang kalihim ng DOT, isa sa kanyang mga pangunahing adhikain ay palakasin ang industriya ng turismo at maipakita ang malikhaing kakayahan at mayamang kulturang Pilipino.
Lubos naman ang kanyang pasasalamat sa ibinigay na oportunidad upang maipakilala ang turismo ng lalawigan sa mas malawak na publiko.
Binanggit niya na napakarami pang magagandang destinasyon sa lugar, kabilang na ang Our Lady of Manaoag, na inaasahan niyang magdadala pa ng mas maraming turista sa hinaharap.
Dagdag pa ni Sec. Frasco, patuloy ang pagbibigay ng tulong ng departamento sa mga lokal na pamahalaan upang higit pang mapaangat ang turismo, lalo na ang domestic tourism, na malaking ambag sa ekonomiya ng lalawigan.










