DAGUPAN CITY – Paiigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pagpapatupad ng reflective vest ordinance sa pamamagitan ng paggamit ng centralized Violation Receipt (VR) system upang mas maging maayos at pantay ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa lalawigan.
Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, layunin ng hakbang na ito na mapalakas ang disiplina sa kalsada at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista, lalo na ang mga nagmomotorsiklo na kadalasang bumibiyahe sa gabi at madaling maaksidente.
Sa ilalim ng centralized VR system, magiging pare-pareho ang proseso ng pagbibigay ng citation ticket sa mga lalabag sa ordinansa, anuman ang bayan o lungsod kung saan nahuli ang motorista.
Inaasahan din na mababawasan ang kalituhan at mapipigilan ang anumang iregularidad sa pangongolekta ng multa.
Dagdag pa ng bise gobernador, mahalagang magsuot ng reflective vest upang madaling makita ng ibang motorista ang mga nagmomotorsiklo, lalo na sa madidilim na lugar at masamang panahon.
Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sumunod sa mga umiiral na ordinansa upang maiwasan ang multa at, higit sa lahat, mapanatili ang kaligtasan sa mga lansangan ng Pangasinan.










