Nilinaw ni Atty. Joey Tamayo, co-anchor ng Duralex Sedlex, ang ilang mahahalagang usapin kaugnay ng nalalapit na Sangguniang Kabataan (SK) elections, partikular sa mga incumbent SK chairperson na nagnanais muling tumakbo ngunit posibleng lumampas na sa itinakdang age requirement sa darating na halalan sa Nobyembre.

Ayon kay Tamayo, may bisa na ang Republic Act No. 12232 na ipinasa ng Kongreso, na nagtatakda ng postponement ng SK at Barangay Elections sa Nobyembre 2.

Dahil dito, ang termino ng mga halal na opisyal ay magiging apat na taon.

--Ads--

Simula sa eleksyon sa 2026, apat na taon na rin ang magiging haba ng panunungkulan ng mga SK at barangay officials.

Gayunman, iginiit niya na may malinaw na limitasyon sa panunungkulan.

Para sa mga barangay officials, hindi pinapayagan ang paninilbihan nang lampas sa tatlong termino.

Samantala, sa Sangguniang Kabataan, isang termino lamang ang maaaring paglingkuran ng isang SK chairperson.

Ipinaliwanag din niya na ang isang SK chairperson na nakapagsilbi na ng isang termino ay hindi na maaaring muling tumakbo sa parehong posisyon.

Gayunpaman, maaari pa rin itong tumakbo bilang SK kagawad, basta’t pasok pa rin sa itinakdang age requirement.

Ayon sa batas, ang sinumang nagnanais tumakbo sa SK elections ay dapat nasa edad 15 hanggang 24 sa mismong araw ng eleksyon.

Ang sinumang lalampas sa nasabing edad sa araw ng botohan ay hindi na kwalipikadong kumandidato.

Binigyang-diin ni Tamayo ang kahalagahan ng papel ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan sa komunidad.

Aniya, hindi dapat buwagin ang SK dahil mahalaga ang kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng kabataan.

Sa halip, ang mga opisyales na hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin ay maaaring ireklamo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mananagot alinsunod sa mga alituntunin ng Civil Service Commission.

Samantala, nagpaalala si Tamayo sa mga kabataang nagbabalak tumakbo sa SK na ang paglahok sa halalan ay dapat nakatuon sa layuning makapagsilbi sa kapwa at sa komunidad, at hindi para sa pansariling interes o ibang dahilan.