Inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa, sa botong 13-5-0, ang Senate Bill No. 2387 na magtatakda sa limang taong termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Dahil sa naturang panukalang batas na inihain ni Senator Francis “Chiz” Escudero, magkakaroon ng bagong electoral cycle at magreresulta ito sa pagpapaliban ng nakatakda sanang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028.

Ayon kay Escudero, layunin ng panukala na magkaroon ng mas tiyak at maayos na sistema sa lokal na pamamahala upang maiwasan ang paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan tuwing nagkakasabay ito sa pambansang botohan.

--Ads--

Subalit tinutulan ito ng ilang senador tulad nina Senator Tito Sotto at Joel Villanueva, na nag-giiit na ang muling pagpapaliban ng BSKE ay maaaring lumabag sa Saligang Batas at mag-aksaya sa halos P8 bilyong naitalang gastos ng Comelec para sa paghahanda sa halalan ngayong taon.

Pumasa na rin sa ikatlong pagbasa ang kaparehong panukala sa House of Representatives (House Bill No. 10971), kaya’t nakatakda na lamang itong isailalim sa bicameral conference committee bago isumite sa Malacañang para sa pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.