Hinihintay pa rin ang pinal na desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ngayong taon. Bagama’t nakalusot na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang panukala, wala pa ring pinal na desisyon ang pamahalaan sa magiging petsa ng halalan.
Para kay Kapitan Delfin de Guzman ng Barangay Salapingao sa Dagupan City, mas mainam umanong matuloy ang halalan ngayong taon upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga nais magsilbi sa barangay. Natapos na niya ang tatlong termino bilang barangay chairman at nagsilbi rin sa naturang posisyon mula 1997 bago muling nahalal noong 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy namang naghihintay ang mga incumbent barangay official sa magiging desisyon sa panukalang postponement. Sakaling maaprubahan ito, maaapektuhan ang iskedyul ng halalan at ang panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay, habang naghihintay ng panibagong petsa ng eleksyon.
Samantala, sinabi ni De Guzman na isa sa mga hamon ng kanilang barangay ang limitadong atensyon mula sa lungsod dahil isa itong island barangay. Patuloy naman ang kanilang serbisyo habang hinihintay ang magiging pinal na desisyon kaugnay ng BSKE ngayong taon.










