Isinagawa ngayong Setyembre 23 ang unang araw ng Pre-Candidacy Orientation ng Commission on Elections o COMELEC Dagupan City bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026 na nakatakda sa Nobyembre 2. Pinangunahan ni Election Officer Atty. Michael Franks Sarmiento ang aktibidad na isinagawa sa City Plaza at hinati sa dalawang araw upang maserbisyuhan ang mga aspirante mula sa 31 barangay ng lungsod. Dumalo sa unang araw ang mga aspirante mula sa 15 barangay, habang nakatakda namang dumalo bukas ang mula sa natitirang 16 barangay.
Katuwang ng COMELEC sa oryentasyon ang Dagupan City Police Office, Department of the Interior and Local Government at Bureau of Internal Revenue. Ipinaalala sa mga aspirante ang mga umiiral na panuntunan sa halalan, kabilang ang mga ipinagbabawal na gawain gaya ng premature campaigning at vote buying. Ayon sa COMELEC, isinagawa ang oryentasyon bago ang filing ng Certificate of Candidacy upang maging malinaw sa mga aspirante ang mga proseso at rekisitos sa paghahain ng kandidatura at ang mga maaaring pagmulan ng paglabag.
Ibinahagi rin ng COMELEC na nakapagsilbi na ito ng mga show cause order laban sa ilang indibidwal na umano’y lumabag sa mga regulasyon noong nakaraang halalan. Gayunman, maaari pa ring maghain ng Certificate of Candidacy ang mga kwalipikadong aspirante hangga’t wala pang pinal na resolusyon ang korte o ang komisyon. Kaugnay ng panukalang pagpapaliban sa BSKE 2026, sinabi ng COMELEC na nagpapatuloy ang kanilang paghahanda hangga’t walang pormal na kautusan o Temporary Restraining Order mula sa Supreme Court.
Samantala, itinakda ng COMELEC ang paghahain ng Certificate of Candidacy mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5 sa City Plaza. Hinimok ang mga hindi nakadalo sa unang araw, partikular ang mga aspirante sa Sangguniang Kabataan, na dumalo sa ikalawang araw ng oryentasyon upang malaman ang mga patakaran at proseso bago ang filing. Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon sa panukalang pagpapaliban sa BSKE 2026 habang hinihintay ang magiging aksyon ng Pangulo sa panukalang batas.










