DAGUPAN CITY- Inirerekomenda ang agarang pagsuspinde ng water supply kapag may kahit isang kaso pa lamang ng posibleng waterborne disease, bilang pag-iingat laban sa kontaminasyon na maaaring humantong sa mas malawak na pagkalat ng sakit.

Ayon kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor & Natural Medicine Advocate, ang isang kaso ay maaaring simula ng outbreak na posibleng mabilis kumalat at mauwi sa epidemic kung hindi agad maaaksyunan.

Ang responsibilidad aniya ay nagsisimula sa water provider, na dapat ay mahigpit na sumusunod sa standards, ngunit may malaking papel din ang public health authorities sa masusing monitoring ng mga posibleng kaso ng water contamination. Kapag mahina ang pagbabantay, mas mabilis kumakalat ang sakit.

--Ads--

Dagdag niya, may mga red flags na dapat agad pinapansin, gaya ng food poisoning o biglaang pagkakasakit na posibleng may kaugnayan sa tubig.

May malinaw umano na protocol para rito, ang agarang imbestigasyon sa oras na may kahit isang kaso o sintomas na tumuturo sa posibleng water contamination.

Pinaalalahanan ni Dr. Soriano ang publiko na maging mapagmatyag sa mga hindi kilalang sources ng inuming tubig, dahil hindi pare-pareho ang kaalaman at pagsunod sa standards ng mga water stations.

Kapag may isang kaso ng pagkakasakit na posibleng kaugnay ng tubig, mahalagang i-report ito agad sa public health authorities upang masuri ang tubig at maprotektahan ang buong komunidad.