Kasalukuyan nang nakaburol at pinaglalamayan sa Barangay Duplac sa bayan ng Urbiztondo ang labi ni Erma Peralta Valerio, 44-anyos matapos ang mahigit isang buwan na namalagi ang bangkay nito sa America.
Matatandaan na si Erma ay binaril ng kanyang asawang si Zheer Queja Malassab sa kanilang tahanan sa Vallejo, California noong Disyembre 2025.
Nalaman ang pagkamatay ni Valerio sa kaibigan nito dahil hindi pumasok ang biktima sa trabaho kaya nagsumbong ito sa Vallejo Police Department.
Natuklasan din dito na bago ang insidente ay nagkaroon umano ng matinding away ang biktima at ang suspek.
Nahuli naman kalaunan ang suspek sa loob ng dalawang araw sa Pennsylvania matapos ang krimen kaya nasa kustodiya na ngayon ng kapulisan sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Violeta Peralta Sibayan, tita ni Erma, sinabi niyang “breadwinner” ng pamilya ang kanyang pamangkin.
Bago pa man umalis si Erma patungong Amerika noong 2019 dahil sa petisyon ng asawa nito, siya na ang bumubuhay sa kanilang pamilya lalo na noong nagtatrabaho pa ito bilang Stenographer sa Supreme Court kaya malaking bagay ang pagpunta niya sa Amerika.
Sa kanyang pamilya panng-lima si Erma sa 6 na magkakapatid at nag-iisang babae habang wala pa itong anak sa kanyang asawa.
Dagdag pa ni Tita Violeta, hindi masyadong palakwento si Erma tungkol sa kanyang personal na pinagdadaanan gaya sa buhay may-asawa, kaya hindi nila maunawaan kung bakit humantong sa pagpaslang ang kanilang pagsasama.
Lubos naman ang kanilang pasasalamat sa mga katrabaho at kaibigan nito sa Amerika na tumulong para maiuwi ang bangkay nito sa Pilipinas kung saan nag-ambagan sila.
Bagama’t labis ang kanilang kalungkutan, kailangan nilang tanggapin ang nangyari.










