Dagupan City – Ipinaabot ng isang Overseas Filipino worker (OFW) sa Israel na tubong Pangasinan ang kaniyang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng nasawing OFW na si Mary Anne Velasquez De Vera, na nasawi matapos ang panibagong pag-atake sa Israel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa Israel, sariwa pa sa kaniyang alaala ang malagim na pangyayari na naging sanhi ng pagkasawi ng ating kababayan.
Aniya, rinig na rinig niya ang malakas na pagsabog sa mismong lugar kung saan naroroon si De Vera dahil kalapit lamang niya ito.
Nagbigay rin ng babala si Shay sa mga kapwa OFW at residente na manatiling alerto at handa sa anumang oras, lalo na’t patuloy umano ang pag-atake ng Iran at nadagdagan pa ng Hezbollah mula sa Lebanon ang banta sa seguridad ng Israel.
Ayon pa kay Shay, maituturing na aniya itong hindi na normal na sitwasyon dahil halos kada 10 hanggang 15 minuto ay may tuloy-tuloy na pag-atake.
Dahil dito, hindi umano 100 porsiyentong matitiyak na walang makakalusot na debris mula sa mga sumasabog na rocket o missile.
Sa kabila ng umiigting na tensyon at palitan ng pag-atake, sinabi ni Shay na nagpapatuloy pa rin ang ilang mga trabaho sa Israel at maaari pa ring lumabas ang mga tao upang bumili sa mga pamilihan.
Ipinaliwanag din niya na isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling kalmado ang ilang bahagi ng bansa ay dahil sa dami ng bomb shelter na nakakalat at bukas sa publiko.
Ang mga ito ay itinayo ng pamahalaan at matatagpuan sa mga paaralan, mall, opisina, gusaling pampamahalaan, at maging sa mga pamilihan bilang bahagi ng mandato upang magsilbing proteksyon ng mga mamamayan sa oras ng pag-atake.










