Inihayag ni National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag na kanyang hindi na ikinagulat pa ang naging kumento ni Vice President Sara Duterte ukol sa inimbestigahang ari-arian nito.

Hindi na aniya siya nasorpresa nang itanggi ng ikalawang pangulo na kanyang pagmamay-ari ang lote na sinasabing ‘misdeclared’ umano.

Inaasahan na raw ng direktor na itatanggi ni Vice President Duterte ang ari-arian, habang kanya naman iginiit na mayroon silang malinaw na ebidensya.

--Ads--

Kaya’t naniniwala ang direktor na pinakamainam aniyang gawin ay personal na bisitahin ang lote sa Barangay Catigan, Davao City na base sa SALN, nakadeklara bilang isang ‘agricultural land’.

Kahapon, ibinahagi ni NBI Dir. Matibag na kanilang ipapasa sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang nakalap sa imbestigasyon hinggil dito.

Kahun-kahon mga ebidensya ang idinala ng mga NBI Agents sa Ombudsman para suportahan ang naging resulta ng imbestigasyon ukol sa ari-arian ng ikalawang pangulo.

Dahil rito’y kung naghihintay ng patawag ang bise presidente, hindi na ang kawanihan ang maglalabas ng ‘subpoena’ kundi maaaring tanodbayan na aniya, bilang may hurisdiksyon sa kaso.

Dagdag pa ng direktor, ‘agricultural land’ aniya ang nakadeklara sa SALN ng bise presidente ngunit mapapansin na sa loob nito’y mayroon pang ‘helipad’.