Dalawampu’t limang taon matapos ang pag-atake noong Setyembre 11, 2001, patuloy na inaalala sa Estados Unidos ang pinakamalalang pag-atake ng terorismo sa kasaysayan ng bansa. Dalawang eroplanong pampasahero ang bumangga sa Twin Towers ng World Trade Center sa New York, habang isa pang eroplano ang tumama sa Pentagon sa Virginia. Ang ikaapat na eroplano, ang Flight 93, ay bumagsak sa Pennsylvania matapos umanong tangkaing maagaw muli ng mga pasahero at crew mula sa mga hijacker.
Sa Estados Unidos, kabilang ang mga Pilipinong naninirahan sa New York na nasaksihan ang mga pangyayari at naging epekto nito sa komunidad. Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, papasok siya noon sa trabaho nang makita sa telebisyon ang mga unang ulat tungkol sa pag-atake sa isang gusali. Inilarawan niya ang kaniyang nasaksihan bilang tila isang eksena sa pelikula, habang nanatili umano ang matinding takot at pagkabigla sa mga sumunod na araw.
Labinsiyam na miyembro ng grupong al-Qaeda ang nang-hijack sa apat na eroplano na ginamit sa pag-atake. Dalawa sa mga ito ang tumama sa World Trade Center, isa sa Pentagon, at ang Flight 93 ay bumagsak sa Pennsylvania. Halos tatlong libong katao ang nasawi, kabilang ang mga sibilyan, bumbero, pulis at iba pang unang rumesponde. Matapos ang insidente, inilunsad ng Estados Unidos ang malawakang operasyon laban sa mga responsable at pinaigting ang seguridad sa mga paliparan, gusali at iba pang pasilidad sa buong bansa.
Malaki rin ang naging epekto ng 9/11 sa mga polisiya at sistema ng seguridad ng Estados Unidos, kabilang ang mas mahigpit na airport screening, immigration procedures at mga hakbang laban sa terorismo. Naging mahirap ang pagbangon ng bansa mula sa malaking pagkawala at pinsala, ngunit naging bahagi nito ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga responder at mga residente. Sa ika-25 anibersaryo ng pag-atake, patuloy na ginugunita ang mga nasawi at inaalala ang mga pagbabagong iniwan ng insidente sa Amerika.










