DAGUPAN CITY- Nagsampa ng kasong graft at reklamong administratibo ang Federation of Free Farmers sa opisina ng Ombudsman laban kay Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno dahil sa paglabag sa presidential order at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, kanilang inihain ito noong January 9 dahil sa hindi pagpapatupad ng Executive Order no.93 o ang pagbabawal sa pang-angkat ng Pilipinas sa loob ng dalawang buwan (September-October).

Aniya, pinayagan kase ng BPI na makapasok ang halos 340K metric tons noong September, katumbas ito ng legal na pumasok noong August.

--Ads--

Aminado rin umano ang BOC na kabilang sila sa mga pumayag sa pagpasok nito.

Bagaman hindi saklaw ng kautusan ang Specialty Rice (Japonica at Jasmine) subalit umaabot lamang ito ng 25k metric tons.

Giit ni Montemayor na nagdulot ito ng pagbagsak ng halos 9% sa presyo ng palay noong unang buwan ng Import ban at lalong ibinaon ang mga magsasaka sa pagkalugi.

Lumalabas din sa kanilang panig na nagkaroon ng panloloko sa mga magsasaka matapos ipangako ang mahigpit na pagpapatupad nito.

Maliban naman sa kanilang isinampang kaso at reklamo, hiniling din nila kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pagpataw ng preventive suspension laban kanila Panganiban at Nepomoceno at sa mga sangkot pang mga tauhan upang hindi makaiwas sa mga kinakaharap.

At kung magpapaptuloy ito, habang pending ang kaso, isa sa mga magiging epekto ay ang pagbawal sa pagretiro ng mga retirable officers at empleyado at hindi nila matatanggap ang kanilang retirement pay at iba pang mga benefits.