Mga kabombo! Ang kasabihan nga ng mag-asawa, “Til Death Do Us Part” pero paano na lamang kung tila pakiramdam mo ay hinahayaan ka na lamang ng asawa mong mahirapan?
Ito kasi ang pakiramdam ng isang mister sa kaniyang misis.
Ang senaryo, ayaw umanong mag-donate ng misis nito ng bahagi ng kaniyang atay kahit pa buhay na ng kaniyang mister ang nakataya?
Ito ang nangyari sa mag-asawa sa South Korea, kung saan nauwi sa masalimuot na hiwalayan at demandahan ang kanilang pagsasama matapos ang tila isang “malicious abandonment” ng misis sa mister.
Ang mister ay na-diagnose ng primary biliary cirrhosis at binigyan na lamang ng isang taon para mabuhay kung hindi sasailalim sa transplant.
Laking tuwa ng pamilya nang madiskubreng 95 percent match ang kanyang asawa, ngunit agad itong napalitan ng galit nang tumanggi ang babae dahil may “pathological fear” daw siya sa karayom at matutulis na bagay.
Hanggang sa masuwerteng nakahanap ng brain-dead donor ang lalaki at matagumpay na nakaligtas, ngunit pagkatapos ng kanyang operasyon, inimbestigahan niya ang palusot ng asawa at nadiskubreng nagsinungaling ito tungkol sa kanyang phobia dahil nakapagpaopera na ito noon ng appendicitis nang walang isyu.
Nang komprontahin, umamin ang misis na ang tunay na dahilan ng pag-ayaw niya ay ang takot na magkaroon ng kumplikasyon sa operasyon at tuluyang maulila sa ina ang kanilang dalawang maliliit na anak.
Sa kabila ng paliwanag, itinuloy ng lalaki ang kaso, ngunit pumanig ang korte sa babae.
Iginiit ng judge na ang organ donation ay usapin ng “bodily autonomy” at personal na desisyon, kaya hindi ito maaaring ituring na obligasyon kahit pa sa pagitan ng mag-asawa.
Hanggang sa nagkasundo na lamang ang dalawa na mag-divorce.
Nakuha ng babae ang custody ng mga bata, ngunit pumayag siyang magbigay ng pinansiyal na suporta para sa patuloy na pagpapagaling ng kanyang ex-husband.










