Nagbabala si Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng mga paputok sa lungsod.
Ito ay matapos magkaroon ng insidente ng pagsabog sa illegal na pagawaan ng paputok sa bayan ng Malasiqui dito sa Pangasinan na ikinasawi ng 5 indibidwal.
Bukod dito paghahanda na rin para sa nalalapit na kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa isang panayam, inihayag ng alkalde na inatasan na niya ang Dagupan City Police Office at Dagupan City Bureau of Fire Protection (BFP) para sa strict enforcement ng ordinansa ng lungsod.
Ayon kay Fernandez, mahigpit na ipinagbabawal ang manufacturing o paggawa ng anumang uri ng paputok sa Dagupan, habang ang pagbebenta naman ay papayagan lamang sa mga designated areas at para lamang sa mga negosyanteng may kaukulang permit.
Iginiit ng alkalde na agad aarestuhin ang sinumang mahuhuling nagtitinda ng paputok sa downtown area, sa mga lansangan, o ang mga nagtatangkang itago at ihalo ang mga ito sa iba pang paninda tulad ng tinapay.
Hindi aniya hahayaang maulit pa ang mga trahedya ng pagsabog noong nakaraang taon sa Barangay Tebeng at Barangay Bacayao Norte.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng alkalde ang lahat ng barangay captains at Barangay Councils sa kanilang direktang pananagutan sa pagbabantay sa kani-kanilang nasasakupan.
Dahil dito, nagpatawag na umano siya ng pagpupulong sa mga opisyal ng barangay dahil karaniwang nagsisimula ang palihim na paggawa ng paputok tuwing Setyembre bilang paghahanda sa bentahan sa darating na Disyembre.
Samantala, Sa ilalim ng Republic Act 7183, ang ilegal na paggawa at pagbebenta ng paputok nang walang permit mula sa PNP at lokal na pamahalaan ay may parusang pagkakakulong ng hanggang isang taon at multang aabot sa ₱30,000.
Bukod dito, maaari ring maharap sa kasong administratibo gaya ng ‘neglect of duty’ sa ilalim ng Local Government Code ang mga opisyal ng barangay na magpapabaya at hahayaang magkaroon ng palihim na pagawaan ng paputok sa kanilang nasasakupan.










