Dagupan City – Ibinahagi ng isang kilalang pageant at fashion show director, na unti-unti nang natutupad ang kaniyang pangarap na masaksihan ang tagumpay ng Pilipinas sa Miss Universe pageant.
Kwento ni Concon Siñel mula bata pa lamang ay pangarap na niyang makamit ang pagkakataong masubaybayan at masuportahan ang pambato ng bansa sa prestihiyosong kompetisyon.
At batay sa mga lumalabas na prediksyon, kabilang si Ahtisa Manalo sa mga nangungunang kandidata ngayong taon.
Partikular na hinangaan ni Siñel ang Filipina Maria Clara-inspired national costume ni Manalo, kung saan ay inilarawan niya itong isa sa pinakamagagandang national costume na naipakita ng Pilipinas.
Dagdag pa niya, malaki rin ang puntos ng maayos at may kumpiyansang pagpapadala ni Manalo sa kaniyang kasuotan.
Gayunpaman, aminado si Siñel na malalakas din ang laban mula sa Thailand at Venezuela.
Aniya, “It’s a battle of confidence and stamina, hindi lang basta ganda. Confidence has a lot to do with winning.”
Samantala, binigyang-diin din ni Siñel ang kahalagahan ng presentasyon ng bawat kandidata mula sa humigit-kumulang 120 kalahok.
Aniya, ang pagdadala ng Pilipinas sa International Stage ay isang malaking karangalan at tagumpay para sa bansa.
Sa huli, umaasa si Siñel na magandang balita ang ihahatid ng Miss Universe pageant ngayong taon para sa Pilipinas.










