Dagupan City – ‎Umabot na sa tinatayang 30 pedicab at tricycle ang nasita ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Mangaldan mula pa noong muling pagbubukas ng klase noong Hunyo 16, matapos matuklasang wala silang kaukulang permit.

Ayon kay Gerardo Ydia, POSO CHIEF ng Mangaldan, 20 pedicab at 10 tricycle ang kanilang na-monitor sa mga lansangan sa paligid ng mga paaralan at mataong lugar. Sa naturang bilang, ang ilan ay binigyan ng babala habang ang iba naman ay pinagmulta dahil sa paglabag sa lokal na ordinansa hinggil sa operasyon ng mga pampasaherong sasakyan.

Paliwanag ng POSO, hindi layunin ng operasyon na ipahinto agad ang kabuhayan ng mga drayber, kundi hikayatin silang sumunod sa mga itinakdang regulasyon. Dagdag nila, ito ay bahagi ng seguridad sa pagbabalik ng mga estudyante at upang mapanatili ang kaayusan sa lansangan.

Ilang tsuper ang nagpahayag ng pagka-alma, ngunit sinabing nauunawaan nila ang kampanya ng pamahalaan. Umaasa rin silang mabibigyan ng sapat na panahon upang maisaayos ang kanilang papeles.

Patuloy naman ang paalala ng POSO sa lahat ng drayber na tiyaking kumpleto ang kanilang dokumento bago bumiyahe upang maiwasan ang multa at abala.