Hinamon ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang China na umalis sa teritoryo ng Pilipinas at patunayan ang sinasabi nitong hangarin para sa kapayapaan, kasunod ng pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.
Ayon kay De Lima, hindi tugma ang pahayag ng China sa mga aksiyon nito sa West Philippine Sea (WPS), kabilang ang umano’y pangha-harass sa mga Pilipinong mangingisda. Binigyang-diin niyang patuloy na ipagtatanggol ng bansa ang soberanya at karapatan nito.
Kaugnay nito, kinondena rin ng House Young Guns bloc ang pahayag ng ambassador, na anila’y maituturing na pananakot sa halip na diplomasya. Iginiit ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na hindi garantiya ng kapayapaan ang pagbabanta ng mas makapangyarihang bansa sa mas maliit na estado.
Nanawagan din sina Deputy Speakers Jay Khonghun at iba pang miyembro ng bloc na igalang ng China ang international law, ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 arbitral ruling. Hinimok din nila ang Beijing na itigil ang pangha-harass sa mga mangingisda at tauhan ng Philippine Coast Guard.
Binigyang-diin ng grupo na dapat masukat ang kapayapaan sa paggalang sa karapatan ng Pilipinas, kaligtasan ng mga mangingisda at kalayaang gamitin ng bansa ang mga karapatan nito sa exclusive economic zone.










