‎Nagtipon ang mga stakeholder ng industriya ng bangus mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa isinagawang Third Bangus Congress, na naging pagkakataon para pag-usapan ang mga hamon na kinakaharap ng sektor, gayundin ang mga bagong teknolohiya at inobasyong maaaring makatulong sa mga bangus operator.
‎
‎Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula Luzon hanggang Mindanao, kasama ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at ng Philippine Milkfish Industry Group o FILMIG.
‎
‎Ayon kay Aldo Sibayan, na nahalal bilang Vice President for Northern Luzon ng FILMIG, mahalaga ang naturang pagtitipon upang mapag-usapan ng mga nasa industriya ang mga posibleng solusyon sa kanilang mga suliranin at mga hakbang para higit pang mapalakas ang sektor.
‎
‎Sa pamamagitan ng naturang kongreso, nabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng industriya na magpalitan ng kaalaman at pananaw hinggil sa mga teknolohiyang maaaring makatulong sa kanilang hanapbuhay.
‎
‎Para kay Sibayan, mahalaga ang patuloy na pag-uusap at pagtutulungan ng mga stakeholder at ng pamahalaan upang matukoy ang mga konkretong hakbang na makatutugon sa mga pangangailangan ng industriya ng bangus.