DAGUPAN CITY- Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae bandang 1:03 ng hapon kahapon, sa ilog ng Barangay Dinalaoan, sa bayan ng Calasiao.

Ayon kay PLT Noel Domalanta, operations officer ng Calasiao PNP, agad na rumesponde ang mga imbestigador ng istasyon matapos makatanggap ng ulat ukol sa natagpuang bangkay.

Inilarawan ang biktima bilang isang babae, tinatayang nasa edad 45 hanggang 50, may taas 5’2″, at nakasuot ng itim na t-shirt at itim na pambaba.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon, habang ang 2 indibidwal na kapwa residente ng lugar ay nakatayo umano malapit sa ilog, nakaramdam sila ng mabahong amoy kaya’t kanilang sinuri ang pinanggagalingan nito.

Doon nila natagpuan ang bangkay ng babae na palutang-lutang sa tubig at napapalibutan ng mga halamang tubig o water lily.

Ayon sa kanila huling nakita ang babae limang araw na ang nakararaan habang naglalakad papunta sa direksyon ng ilog.

Hindi umano nila ito gaanong pinansin noon dahil inakala nilang iihi lamang ito.

Sinuri ng Municipal Doctor ang katawan at kinumpirmang isang babae nga ang nasawi.

Lumalabas na ang bangkay ay nasa maagang yugto ng pagkabulok, namamaga na at may mga uod.

Wala umanong nakita o palatandaan ng karahasan at wala ring panlabas na sugat sa katawan.

Kasalukuyang nasa Funeraria sa Barangay San Miguel, ang bangkay, at isasailalim sa post mortem examination na isasagawa ng Municipal Health Officer ng Calasiao upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.