DAGUPAN CITY- Sumailalim na sa rehabilitasyon ang pitong manggagawa na nagtamo ng seryosong injuries, tatlo rito ay sumailalim sa amputation, habang apat naman ang naputulan ng kamay at daliri.

Ito ang datos mula nang magsimula ang mga programa ng Employees’ Compensation Commission (ECC) Region 1.

Ayon kay Dr. Randy Angelo Ponciano, Rehabilitation Case Manager ng ECC, karamihan sa mga insidente ay nagmula sa paggamit ng heavy machineries, paper cutting machines, at iba pang kagamitan sa mga sektor ng konstruksyon, elektrisidad, at transportasyon tulad ng bus companies.

--Ads--

Bilang tugon, naglunsad ang ECC ng mga rehabilitative assistance at programa para sa mga manggagawang naapektuhan.

Kabilang dito ang reskilling at livelihood training, kung saan ang mga benepisyaryo ay maaaring pumili ng trabahonh nais nilang pasukan.

Ang pagsasanay ay libre at walang kailangang gastusin mula sa bulsa ng mga kalahok.

Matapos ang kanilang pagsasanay, binibigyan din sila ng panimulang puhunan na nagkakahalaga ng P30,000.

Sa halagang ito, P20,000 ay inilaan para sa kanilang starting kit, habang ang karagdagang P10,000 ay ibinibigay bilang insentibo kung kanilang napaghusayan ang aplikasyon ng kanilang natutunan.

Layunin ng programa na matulungan ang mga manggagawa na muling makabangon at magkaroon ng alternatibong hanapbuhay sa kabila ng kanilang pisikal na kalagayan.