Isang panibagong dagok ang naranasan ng libu-libong Barangay Health Workers (BHW) sa buong bansa matapos maharang ang matagal na nilang inaasam na Magna Carta isang panukalang batas na layong kilalanin at bigyang-benepisyo ang kanilang mahalagang ambag sa kalusugan ng mamamayang Pilipino.

Ayon kay Jamil Mora President, BHW Federation lubos ang kanilang pagkadismaya, sama ng loob, at galit matapos na hindi matuloy ang pagpasa ng panukala, sa kabila ng matagal na proseso at konsultasyon upang maisakatuparan ito.

Aniya, ang Magna Carta sana ang magiging daan upang tuluyang kilalanin ang kanilang sakripisyo at mapabuti ang kanilang kalagayan.

--Ads--

Sa ilalim ng panukala, nakasaad ang pagbibigay ng minimum monthly honorarium na ₱3,000, at hanggang ₱5,000 para sa mga BHW sa buong bansa, lalo na sa mga sixth class municipalities na kadalasang may pinakamaliit na budget.

Kabilang din sa mga benepisyong nakapaloob sa panukala ang libreng transportasyon, legal assistance, at access sa mga programang panlipunan ng gobyerno.

Ngunit ang lahat ng ito ay nakasalalay pa rin sa budget ng bawat barangay, dahilan kung bakit marami sa mga BHW ay tumatanggap lamang ng ₱500 kada buwan, habang ang ilan ay ₱200 lamang, at may mga pagkakataon pang hindi sila nakakakuha ng kahit anong honorarium kada buwan.

Nais ng mga BHW na muling maiparating ang kanilang panawagan sa pamahalaan, partikular kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM).

Ayon sa kanila, may pangako ang Pangulo na agad pipirmahan ang Magna Carta sakaling makarating ito sa kanyang tanggapan, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo sa larangan ng kalusugan subalit bigong ito ay maisakatuparan.

Gayunpaman, nananatiling umaasa at patuloy na nananawagan ang mga BHW sa Kongreso at Malacañang na isulong muli ang Magna Carta at tiyaking hindi masasayang ang kanilang pinaghirapan.