Dagupan City – Binatikos at tinawag na kawalang malasakit ng isang samahan ang pagbibigay ng Department of Tourism (DOT) sa mga kwalipikadong Filipino senior citizen ng oportunidad sa trabaho.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sinabi nito na nakakadismaya ito dahil sa halip na mabigyan sila ng sapat na benepisyo at dapat may maayos na social pension, napipilitan pa silang kumayod kahit may karamdaman.

Aniya, isa itong patunay na matagal nang problema sa bansa ang kakulangan sa disenteng trabaho.

--Ads--

Dito na iginiit ni Adonis na hindi sapat ang mga “band-aid solution.” Aniya, ang kailangan ng mga manggagawa ay pangmatagalang solusyon para makamit ang nakabubuhay na sahod.

Matatandaan na nilagdaan ng Department of Tourism at ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa Makati City ang bahagi ng memorandum of understanding (MOU) na nakatakdang pagbibigay ng Department of Tourism (DOT) sa mga kwalipikadong Filipino senior citizen ng pagsasanay at mga oportunidad sa trabaho sa larangan ng turismo.

Sa pamamagitan ng partnership na ito, isaaktibo ng DOT ang mga regional office nito para isama ang mga senior citizen sa pagsasanay nito para sa mga stakeholder ng turismo.

Samantala, binatikos din niya ang Duterte Youth party-list na umano’y hindi tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga sektor na kanilang kinakatawan. At tinawag din na nagiging instrumento pa sila ng unti-unting pagkitil sa demokrasya ng bansa.