DAGUPAN CITY- Disgrasya ang inabot ng isang delivery truck matapos makabangga ng isang sidecar sa bayan ng Calasiao dahil nakatulog ang drayber nito habang nagmamaneho.
Ayon kay PCAPT ANTHONY DOCTOLERO – DCOP, Calasiao PNP, sangkot sa nasabing banggaan sa kahabaan ng McArthur Highway, sa Brgy. Bued, sa nasabing bayan ang 33 anyos na driver ng delivery truck na si Rodget Cabaya Jr., residente ng South Cotabato, kasama ang kanyang pahinante, at isang sidecar na minamaneho ni Jojo Fernandez, 37-anyos, kasama ang isang menor de edad na anak nito, na mga residente sa bayan ng Sta. Barbara.
Aniya na batay sa paunang imbestigasyon, inamin ni Cabaya na siya ay nakatulog habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod sa biyahe, dahilan upang lumihis siya sa kabilang linya ng kalsada.
Bago pa man mangyari ang insidente, napansin na ni Fernandez na hindi na maayos ang takbo ng truck kaya sinikap niya na umiwas, ngunit hindi pa rin naiwasan ang banggaan.
Nagkaroon naman ng minor injuries si Cabaya, habang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Fernandez at ang kanyang anak na nawalan naman umano ng malay ngunit agad itong naisugod sa ospital at kalaunan ay bumuti na ang kanyang kalagayan.
Samantala, Parehong nasira ang mga sasakyan, ngunit walang ibang nadamay sa insidente.
Nagkasundo na rin ang mga sangkot hinggil sa mga bayarin para sa mga pinsala.