Dagupan City – Hindi dapat binabaliwala ang educational crisis sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominick Abril, Legal at Political Consultant, sa kabila kasi ng dami ng impormasyon na nakikita online, mukhang hindi pa rin ina-adopt ng marami ang kahalagahan ng pagtingin ng tamang impormasyon.

Matatandaan na may isang nag-viral na insidente sa isang noontime show na naging usap-usapan sa social media kung saan ay inamin ng isang kandidata na wala siyang sapat na kaalaman tungkol sa Commission on Elections (COMELEC).

--Ads--

Dito umano binigyang-pansin ni Abril ang kahalagahan ng tamang kaalaman sa mga mahahalagang isyu tulad ng eleksyon. At muling idiniin na madali nang makakuha at ma-access sa social media, kung kaya’t masasabing nasa tao na talaga ito kung paano nila ito tatanggapin.

Nakakalungkot aniya na tila limitado ang awareness ng mga tao sa komunidad patungkol dito, at madalas ay hindi ito ganap na nauunawaan ng nakararami.

Hinggil naman sa mga kabataan na pinipiling gumawa ng content creations online, sinabi ni Abril na hindi na rin masisisi ang mga ito upang kumita ng pera, dahil ito naman ang tumutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Subalit, binigyang-diin niya na ang ganitong uri ng gawain ay may malalim na epekto sa kabataan, at kinakailangang tugunan ng pamahalaan.

Umaasa naman siya na ang mga ganitong isyu ay magsilbing inspirasyon upang mabigyan ng higit na pansin ang sektor ng edukasyon at matutukan ang pagbibigay ng trabaho na may sapat na benepisyo sa mga kabataan.

Samantala, tinuligsa ni Abril ang mga pulitikong patuloy na nananatili sa pwesto sa kabila ng hindi pagbibigay ng pagkakataon sa mga bagong lider na may tunay na malasakit sa serbisyo publiko. Tinawag niyang “garapal” ang mga pulitikong hindi na binibigyan ng puwang ang mga may genuine na layunin para sa bayan.