DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang menor de edad na lalaki matapos malunod sa dagat sa bayan ng San Fabian.

Ayon kay PCpt Leoffrey Sapi, nagkayayaan ang kanilang grupo na maligo sa dagat pagkatapos dumaan mula sa isang kompetisyon sa Cavite.

Kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan at coach mula sa nasabing kompetisyon.

--Ads--

Dahil sa malakas na alon ay nagkawatak-watak ang kanilang grupo at nagsimulang hindi makita ang biktima ng kanyang mga kasamahan.

Agad namang tumawag ng rescue team ang mga kasama ng biktima upang magsagawa ng search and rescue operation.

Bigo ang awtoridad na mahanap agad ang biktima at nang matagpuan ay wala na itong buhay.

Paalala naman ni Sapi sa mga beach goer na maging maingat at bantayan ang mga bata upang maiwasan ang anomang insidente.