BOMBO DAGUPAN – Binati ng aktor na si Baron Geisler ang anak niya sa aktres na si Nadia Montenegro na si Sophia Angela Asistio.

Si Baron ang isa sa mga unang bumati ng maligayang kaarawan sa biological daughter niya sa pamamagitan ng Instagram story habang nasa loob siya ng kanyang tumatakbong sasakyan.

Walang binanggit na pangalan si Baron pero hindi maitatangging si Sophia ang kanyang tinutukoy sa nakangiti niyang pagbati.

--Ads--

18 anyos na si Sophia na isinilang noong Agosto 13, 2006.

Noong 2008, ibinulgar ng entertainment writer at TV host na si Cristy Fermin na may anak si Nadia kay Baron na inililihim ng aktres.

Tuluyan nang nabaon sa limot ang kontrobersiyal na isyu na yumanig noon sa Philippine entertainment industry.

Pero muling naungkat ang usapin nang ipagtapat ni Baron sa isang interbyu noong Marso 2024 na may anak siya “somewhere out there.”


Ang pagsasalita ni Baron tungkol sa pagkakaroon ng anak, na lingid sa kaalaman ng publiko, ang dahilan para maungkat ang nakaraan nila ni Nadia.

Napilitan si Nadia na aminin ang katotohanang anak nito kay Baron ang bunso niyang si Sophia.