BOMBO DAGUPAN- Arestado ang dalawang personalidad sa barangay Inmalog Sur sa bayan ng San Fabian matapos ang isinagawang drug-buy bust operation ng San Fabian Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO1.

Ayon kay PLT.COL. Michael Datuin COP, San Fabian PNP na nakatanggap ang kanilang himpilan ng impormasyon mula sa mga residente at opisyales ng nasabing barangay na nag-udyok para isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay John Ron Fernandez Go, 23 taong gulang, binata, construction worker, at residente ng nasabing bayan at Ricky Basbas Reyes, 35 taong gulang, binata at residente naman ng Brgy. Sta Maria sa bayan ng San Jacinto.

Nakuhanan si John Ron matapos iabutan ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.8 gramo na may halagang PhP5,440. Nakumpiska naman mula kay Ricky ang isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.3 gramo na nagkakahalagang PhP2,040.

--Ads--

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng San Fabian PS ang mga naarestong suspek.

Samantala, 33 barangays na ang naideklarang drug cleared barangays sa kanilang bayan at matatandaang naideklara ding municipal drug cleared ang San fabian noong Hulyo 28 taong kasalukuyan.

Kaugnay nito ay patuloy parin ang kanilang monitoring at pagmamanman kaugnay sa ilegal na droga gayundin ang pagbibigay ng mga impormasyon upang hindi na lumala ang sitwasyon ukol dito.