DAGUPAN CITY- Arestado muli sa ikatlong pagkakataon ang isang 42 anyos na lalaki sa bayan ng San Nicolas matapos masangkot muli sa iligal na droga.

Ayon kay PCapt. Jerwin Cabreros, Officer in Charge ng San Nicolas PNP, arestado sa ikinasang search warrant si Orlando Delenia, walang trabaho, at residente ng Brgy Road, Brgy. Poblacion East, sa nasabing bayan.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiskahan ito ng 19 grams ng iligal na droga at may katumbas itong halaga na P129,200.

--Ads--

Sa kanilang imbestigasyon, nakukuha nito ang kaniyang supply ng iligal na droga mula sa dayong tubong Tayug at ibinibebenta niya na lamang ito sa kanilang bayan.

Gayunpaman, marami man itong nabebentahan ng iligal na droga subalit itinuturing lamang na Street Level Individual ang suspek.

Sa pagsasalysay ng suspek, kumikita ito ng umaabot sa P30,000 tuwing nakakapag-dispose ito ng droga.

Nabanggit din ni PCapt Cabreros na may dati na umano itong kaparehong kaso noong 2014 at na-acquit lamang ito.

Naulit muli ang pagkakakulong nito noong 2021 sa dating kasong kinaharap nito at nakapag bayad lamang ng plea bargaining at nagprobation.

Samantala, kasalukuyang humaharap sa inquest proceeding ang suspek upang mapag-alaman kung maaari itong makapagbayad para sa kaniyang bail bond.