Ibinahagi ni Bombo International News Correspondent sa Amerika na si Zandrix Tello ang tatlong paraan ng pagboto sa Estados Unidos na mas moderno at sistematiko kumpara sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Tello na sa Amerika ay mayroong tatlong opsyon ang mga botante:
Una ay in-person early voting, pangalawa ay in-person voting sa araw mismo ng eleksyon, at pangatlo ay mail-in o pagboto sa pamamagitan ng currier.
Nagsimula aniya ang botohan noong Oktubre 16, o labing-walong araw bago ang midterm election na nakatakda sa Nobyembre 3, at maaari pang humabol sa pagpaparehistro hanggang walong araw at limang araw bago ang eleksyon. Ang huling araw ng in-person voting ay hanggang alas-8 ng gabi.
Ayon kay Tello, napakadali ng proseso dahil electronic counting ang gamit at may mga secured ballot drop boxes para sa mga mail-in votes na binabantayan ng citizen watch. Anumang paggalaw o pandaraya sa mga balota ay maituturing na federal crime.
Kumpara sa Pilipinas kung saan kailangang personal na pumunta sa voting precinct, sa Amerika ay mas convenient dahil kahit nasa bahay ay maaaring bumoto sa pamamagitan ng koreo.
Dagdag pa ni Tello, bawat household ay pinapadalhan ng voters pamphlet na naglalaman ng kumpletong profile at programa ng mga kandidato, na iba-iba depende sa estado at maging sa loob ng isang estado tulad ng Washington State.
Ito aniya ang dahilan kung bakit napaka-transparent ng halalan sa Amerika dahil nababantayan ng husto ang bilangan.
Samantala, kaugnay naman sa seguridad, mas tahimik at maayos ang halalan sa Amerika kumpara sa Pilipinas kung saan nagkalat at mainit ang mga tagasuporta sa labas ng mga eskwelahan at voting precincts.









