DAGUPAN CITY–Sinampahan din ng act of lasciviousness ang dating pastor na nanghalay sa anak nitong 17 anyos na ngayon ay nagdadalang-tao sa bayan ng Mangaldan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Precy Tangalin, Investigator ng Mangaldan PNP, ito ay makaraang sa pagtangka niyang gahasahin muli ngayong buwan ng Agosto ang menor de edad nitong anak sa ikatlong pagkakataon bagaman ito ay tatlong buwang buntis na.

Matatandaang unang ginahasa ng dating pastor sa loob ng kanilang tahanan ang kaniyang anak noong buwan ng Abril, at muling pinagsamantalahan noong buwan ng Hunyo na nagbunga ng kaniyang pagbubuntis. Ito umano ang nag-udyok sa bata at sa ina nito na i-report na sa pulisiya ang insidente.

--Ads--

Dagdag pa ni Tangalin, ito ay isang uri rin ng qualified rape.

Hindi rin umano agad na nakapagsumbong ang biktima dahil tinakot ito ng kaniyang ama.

Nabatid na madalas din umanong wala ang ina ng dalagita dahil ito ay nagbebenta ng gulay sa palengke.

Pinabulaanan naman ng suspek na siya ang nakabuntis sa anak bagaman inamin nito ang panghahalay sa biktima.

Giit ng biktima na nagpasya na itong magsampa ng kaso para na rin sa mga maliliit na kapatid at nang hindi na ito maulit pa.