Nakatanggap ang 86 na fish farmer mula sa limang bayan sa Pangasinan ng kabuuang 1.694 milyong whiteleg shrimp (Litopenaeus vannamei) post larvae sa ilalim ng programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources–Regional Fisheries Office 1 (BFAR-RFO 1).

Isinagawa ang pamamahagi ng mga shrimp post larvae noong nakaraang linggo, bilang bahagi ng patuloy na suporta ng ahensya sa mga nasa aquaculture sector.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga fish farmer mula sa mga bayan ng Bani, Bugallon, Lingayen, Mangaldan, at Labrador.

--Ads--

Layunin ng programa na mapalakas ang produksyon ng hipon sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na post larvae na magsisilbing panimulang puhunan ng mga fish farmer.

Inaasahan ding makatutulong ito sa pagpapataas ng kanilang ani at kita, gayundin sa pagpapalawak ng lokal na produksyon ng aquaculture.

Ayon sa BFAR-RFO 1, bahagi ito ng tuloy-tuloy na programa ng ahensya upang mapaunlad ang sektor ng pangisdaan, mapalakas ang kabuhayan ng mga mangingisda at fish farmer, at matiyak ang sapat na suplay ng produktong pangisdaan sa merkado.

Umaasa naman ang ahensya na sa pamamagitan ng ganitong mga programa ay higit pang lalago ang industriya ng aquaculture sa Pangasinan at sa iba pang bahagi ng Region 1, habang napapalakas ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa pangisdaan.