Dagupan City – Nasa walong senior citizens ang nabigyan ng Cash Gift Incentive na may edad 90 pataas o Nonagenarians kamakailan sa bayan ng Pozorrubio.

Pinangunahan ito ni Pozorrubio Mayor Kelvin T. Chan, kasama ang Municipal Social Welfare Development Office at ang mga Miyembro ng Sangguniang Bayan.

Bawa’t isa sa mga benepisyaryo ay binigyan ng cash gift na nagkakahalaga ng sampung libong piso bilang tanda ng pasasalamat.

--Ads--

Ang hakbang na ito ay naaayon sa mga batas at ordinansa ng bayan na nagpapakita ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsuporta at pagkilala sa mga nakatatanda sa komunidad.

Para sa mga nakatatandang indibidwal na hindi pa nakakatanggap ng insentibong ito, sila ay hinihikayat na magbigay ng kanilang valid ID at birth certificate sa opisina ng MSWDO o sa kanilang Barangay Daycare Worker upang tiyakin na sila ay maisama sa listahan ng mga magiging benepisyaryo sa hinaharap.

Layunin ng inisyatibo na ipakita ang pasasalamat at magbigay ng tulong sa mga nakatatandang residente na malaki ang naging kontribusyon sa komunidad, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pangangalaga at pagpaparangal sa mga senior citizens ng Pozorrubio.