Dagupan City – Mga kabombo! Tara payabangan ng lola! Pambato kasi ang isang lola sa United Kingdom!
Paano ba naman kasi hindi lang isa kundi dalawang Guinness World Records ang naitala ng isang 97-anyos na lola sa United Kingdom matapos siyang sumabak sa wing walking at maging bahagi pa ng isang loop-the-loop maneuver habang nasa himpapawid.
Kung saan nakuha ni Betty Bromage ang records na “oldest wing walker (female)” at “oldest person to perform a loop-the-loop wing walk (female)” sa edad na 97 years at 123 days old.
Ang wing walking ay isang stunt kung saan ang isang tao ay nakatayo o nakatali sa ibabaw ng pakpak ng eroplanong lumilipad. Isinagawa niya ang stunt noong August 4 sa isang airfield sa Cirencester, Gloucestershire upang makalikom ng pondo para sa Cheltenham Gloucester Hospitals Charity.
Hindi na bago kay Bromage ang wing walking dahil una niyang nakuha ang “oldest wing walker (female)” record noong 2022, nang siya ay 93 years old.
Sa katunayab sa pinakahuling attempt, hindi lamang niya nalampasan ang sarili niyang record kundi nadagdagan pa ito ng panibagong titulo.
Nagsimula naman ang pagkahilig ni Bromage sa mga extreme hobbies sa edad na 87 dahil nais umano niyang gumawa ng kakaiba at kapaki-pakinabang sa kabila ng kanyang edad at limitasyon sa paglalakad.
Mula noon, ilang beses na siyang nagsagawa ng wing walking upang makalikom ng pera para sa iba’t ibang charity.
Hindi rin wing walking ang tanging extreme activity na sinubukan ni Bromage dahil noong siya ay 90-anyos, sumakay siya sa isang zipwire sa Snowdonia at nakaranas na rin ng abseiling.
Sa katunayan sa pinakahuling flight, pumayag pa siyang sumailalim sa loop-the-loop matapos itong imungkahi ng piloto.
Ayon kay Bromage, kailangan lamang niyang magtiwala sa piloto habang nakabaliktad ang eroplano.
Sa kabila naman ng kanyang edad, wala pa siyang planong tuluyang tumigil, biro pa niya, kung umabot siya ng 100 anyos, posible siyang muling sumabak sa wing walking.
Para kay Bromage, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga bagay na kaya pa niyang gawin kaysa sa mga hindi na niya magagawa.










