Patuloy na isinasagawa ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang Agro-Ecosystem Analysis (AESA) sa mga palayan sa bayan ng San Quintin sa Pangasinan upang masubaybayan ang kondisyon at kalagayan ng mga pananim.
Kabilang sa minomonitor ng MAO ang 100-hectare Model Farm sa Barangays Lumayao at Bolintaguen, gayundin ang 10-hectare Corporate Farm sa Barangay Nangapugan.
Layunin ng AESA na masuri ang kalagayan ng mga pananim at matukoy ang mga kinakailangang hakbang upang makapagbigay ng angkop na rekomendasyon at desisyon batay sa pangangailangan ng mga palayan.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang MAO ng pamamahagi ng insecticide bilang tugon sa mga pesteng namataan sa ilang palayan, kabilang ang whorl maggot at stem borer.
Ayon sa MAO, mahalaga ang maagap na pagtukoy at pagtugon sa mga peste lalo na ngayong nasa reproductive phase na ang mga pananim, isang mahalagang yugto sa paglago ng palay na nangangailangan ng masusing pangangalaga.
Sa pamamagitan ng patuloy na monitoring at pagbibigay ng angkop na intervention, layunin ng MAO na matulungan ang mga magsasaka na mapangalagaan ang kanilang mga pananim at mapanatili ang maayos na produksyon ng palay.










