Dagupan City – Muling nagsagawa ng joint meeting ang Provincial Peace and Order Council o PPOC at Provincial Anti-Drug Abuse Council o PADAC sa Lingayen, Pangasinan upang talakayin ang mga usapin kaugnay ng peace and order, public safety at kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan.

Pinangunahan ni Vice Governor Mark Ronald Lambino ang pagpupulong bilang kinatawan ni PPOC-PADAC Chairman at Governor Ramon V. Guico III. Sa naturang pagpupulong, inaprubahan ng mga konseho ang dalawang resolusyon na sumusuporta sa pagpapatupad ng mga polisiya, programa at aktibidad para maiwasan at matugunan ang mga insidente ng pag-atake sa mga paaralan.

Layunin din ng mga resolusyon na mapalakas ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at school personnel, partikular sa harap ng mga banta sa seguridad sa mga paaralan at iba pang learning institutions.

--Ads--

Tinalakay rin ang mga ulat mula sa mga kinatawan ng PPOC at PADAC hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng peace and order at public safety, gayundin ang mga hakbang laban sa ilegal na droga.

Layunin ng joint meeting na higit pang paigtingin ang koordinasyon ng mga concerned agencies para mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at seguridad sa buong Pangasinan.