Natagpuang wala nang buhay ang anim‑taong gulang na mag‑aaral ng Ikalawang Baitang sa isang sakahan matapos itong iulat na nawawala noong Biyernes sa bayan ng Victoria sa Lalawigan ng Tarlac.

Huling nakita ang bata sa San Agustin Elementary School na nakasuot ng puting damit‑pampaaralan at palda.

Bago matagpuan ang bangkay, humingi pa ng tulong ang pamilya sa pamamagitan ng social media kaya agad kumilos ang mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsusuri sa CCTV at pagsasagawa ng malawakang paghahanap.

--Ads--

Batay sa impormasyon, hinihinalang biktima ng panggagahasa ang bata bago pinatay kung saan sinasabing sinundo siya ng isang lalaking kakilala ng pamilya.

Nasa impluwensya umano ng alak ang suspek dahil galing ito sa isang pagdiriwang.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng kapulisan ang 15‑taong gulang na lalaking hinihinalang suspek.

Alinsunod sa batas ng Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 para sa mga kabataan, isinuko siya sa DSWD .

Samantala, patuloy naman ang pagsisiyasat ng kapulisan upang matiyak ang kabuuang detalye ng nasabing krimen at bigyang‑katuparan ang hustisyang hinihiling ng pamilya.