DAGUPAN CITY- Nagpatupad ang Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. (CENPELCO) ng mas pinalawak na Lifeline Subsidy Program na magbibigay ng hanggang 100 porsyentong diskwento sa bayarin sa kuryente ng mga kwalipikadong konsyumer sa mga bayan at lungsod na kanilang sakop.
Sisimulan ito sa Abril ngayong taon kasunod ng resolusyong inilabas ng Energy Regulatory Commission para sa pagpapatupad ng uniform national lifeline subsidy rate.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, matagal nang umiiral ang lifeline discount ngunit pinalawak ang saklaw nito alinsunod sa direktiba ng pamahalaan upang mas marami ang makinabang.
Aniya na batay sa bagong panuntunan, maaaring makatanggap ng 100 porsyentong subsidyo ang mga konsyumer na hindi lalampas sa 50 kilowatt-hour (kWh) ang buwanang konsumo.
Awtomatikong maisasama sa programa ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakapangalan ang kanilang electric bill account.
Maaari ring mag-apply ang iba pang marginalized consumers na kabilang sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority, basta’t makakuha ng Certificate of Indigency mula sa municipal social welfare office.
Sa kanilang datos, mula sa humigit-kumulang 2,200 na rehistradong lifeline beneficiaries noon, tinatayang aabot sa mahigit 42,000 ang maaaring makinabang sa ilalim ng pinalawak na implementasyon.
Hinimok ng CENPELCO ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang maipabatid sa mga residente ang proseso ng aplikasyon at masiguro na ang mga kuwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng nararapat na subsidyo.










