Dagupan City – Arestado ang isang National Most Wanted Person (NMWP) na may ₱135,000 na reward mula sa lokal na pamahalaan ng Dagupan, matapos isagawa ang pinagsamang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Mapolopolo sa Bayan ng Basista.

Sinimulan ang operasyon sa pinagsamang pulisya pwersa ng CIDG Pangasinan PFU-SATT2, City Intelligence Unit (CIU) ng Dagupan City Police Office (DCPO), at Basista Municipal Police Station.

Ang operasyon ay bahagi ng COPLAN “KARINYO” ng CIDG na naglalayong pigilan at neutralisahin ang mga high-value target at hinahanap na indibidwal sa rehiyon.

--Ads--

Ang 42-anyos na suspek na residente ng Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City, ay inakusahan ng statutory rape (walang pinapayagang piyansa) at acts of lasciviousness kaugnay ng Section 5(B) ng R.A. 7610 (may inirekumendang piyansang ₱180,000).

Pagkatapos ng paghuli, ipinaalam at ipinabatid sa suspek ang mga kasong kanyang kinakaharap, pati na rin ang kanyang mga karapatan ayon sa Konstitusyon (Miranda Doctrine) at ang Anti-Torture Warning Law sa wikang lubos niyang nauunawaan.

Samantala, ipinagpasalamat ng kapulisan ang patuloy na pagsisikap ng Philippine National Police (PNP) na hanapin at hulihin ang mga taong lumalabag sa batas, lalo na ang mga may kasong kabilang sa mga krimen laban sa mga bata.