DAGUPAN CITY- Pakitang tao lamang umano ang pagpapatupad ng 4-day work week sa parehong pribado trabaho at mga opisina ng gobyerno, ayon sa Ibon Foundation.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, executive director ng grupo, nakikitang 1% lamang sa enerhiya ang matitipid at 2% sa pagkonsumo sa langis dahil hindi hamak na mas malaki ang paggamit ng kuryente sa mga kabahayan, industriya, at komersyo.

Aniya, ikababawas pa ng sahod ng mga private workers at pipigain pa ang mga ito upang mapanatili ang productivity ng kompanya.

--Ads--

Ginagamit lamang umano ang flexible working set-up upang maiwasan ang mas malaking problema sa hanapbuhay at kita ng mga nasa transport sector at agrikultura, gayundin sa nalalapit na pagsirit sa presyo ng mga bilihin.

Dapat pansinin ng gobyerno ang reyalidad na halos 18 milyon pamilyang Pilipino ang nagsasabing nasa kahirapan.

At kung hindi magkakaroon ng epektibong solusyon ang gobyerno ay madaragdagan lamang ang populasyon ng mahihirap sa bansa.

Gayunpaman, nakakabahala na nakikita ng pamahalaan ang sitwasyon ng bansa bilang normal lamang.

Giit ni Africa na kailangan gamitin ng gobyerno ang lahat ng rekurso o awtoridad nito para matulungan ang maraming nangangailangan ng tulong.