Dagupan City – Tumanggap ng tig-₱200,000 na pondo ang 31 barangay sa Dagupan City sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang (BBM)” Progam ng Office of the President.
Isinagawa ang ceremonial distribution sa Dagupan City Plaza sa pangunguna ng Office of the President at Pamahalaang Lungsod ng Dagupan kahapon, kasama ang mga opisyal ng pamahalaan, kinatawan ng mga barangay, at mga benepisyaryo.
Sa inilaan na pondo, ₱100,000 ang nakalaan para sa educational assistance ng mga Presidential Scholar kung saan lima na mag-aaral mula sa bawat isang barangay ang tumanggap ng tig-₱20,000 educational assistance mula sa Socio-Civic Projects Fund ng nasabing opisina habang ang natitirang ₱100,000 ay para sa mga proyektong pangbarangay, kabilang ang pagbili ng mga tent at upuan na magagamit sa iba’t ibang aktibidad ng komunidad sa paghahatid ng serbisyo at pagsasagawa ng mga programa para sa kanilang mga residente.
Layunin ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” na higit pang mapalakas ang ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa edukasyon, pagpapaunlad ng komunidad, at iba pang serbisyong panlipunan.










