Dagupan City – Naaresto ang isang 31-anyos na tricycle driver sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Bautista Municipal Police Station (MPS) sa bayan.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang isang lalaking residente ng naturang bayan.

Inaresto ito dahil sa hinihinalang paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ads--

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1.

Nasamsam sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P3,400.

Bukod dito, narekober din ang isang tunay na P500 bill na ginamit bilang buy-bust money at isang itim na na motorsiklo na may sidecar.

Isinagawa sa mismong lugar ng operasyon ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga itinakdang mandatory witnesses at ng suspek, alinsunod sa itinatakda ng batas.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 habang inihahanda ng pulisya ang kaukulang dokumentasyon para sa pagsasampa ng kaso.