Dagupan City – Nasamsam ang nasa ₱1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Poblacion, Lingayen madaling araw ng Linggo.
Ayon kay PLT Marilyn Garrino, Chief ng Admin/PCR ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Pangasinan, naaresto sa operasyon ang suspek na kinilalang si alyas “Oraki,” na residente ng Magalang, Pampanga.
Nakumpiska mula sa kanya ang humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu.
Batay sa imbestigasyon, umano’y matagal nang sangkot ang suspek sa mga iligal na aktibidad.
Napag-alaman din na dati itong nanirahan sa San Carlos City, ngunit karamihan sa mga umano’y parokyano nito ay mula sa Lingayen.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na ang pinanggagalingan ng kanilang suplay ng iligal na droga ay mula sa National Capital Region (NCR).
Dahil sa matagumpay na operasyon, sinabi ni Garrino na nananatiling hamon ang muling pagdami ng mga indibidwal na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Dahil dito, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan at koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan at sa Lingayen Municipal Police Station upang mapalakas ang kampanya laban sa droga.
Ayon pa kay Garrino, malaking tulong ang mga operasyon tulad nito upang mapigilan ang pagkalat ng iligal na droga at iba pang kriminalidad sa komunidad.
Isa rin sa mga pangunahing hakbang naman aniya ay ang paggamit ng mga confidential agents na nagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga pinaghihinalaang iligal na gawain.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na hindi lahat ng impormasyong natatanggap nila ay agad nilang pinaniniwalaan o inaaksyunan, dahil kinakailangan pa rin itong sumailalim sa masusing beripikasyon at validation bago magsagawa ng operasyon.










