DAGUPAN CITY- Arestado ang isang 47-anyos na babae na wanted sa kasong syndicated estafa sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. Poblacion, Urbiztondo, Pangasinan noong Mayo 3, 2026.

Kinilala ang suspek na isang may asawa at kasalukuyang nagtatrabaho bilang kasambahay at residente ng Brgy. Ano, San Carlos City.

Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Urbiztondo Police Station bandang alas-5:30 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 77 sa San Carlos City noong Pebrero 18, 2026.

--Ads--

Nahaharap ang suspek sa kasong syndicated estafa na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act, at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Urbiztondo Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang masugpo ang kriminalidad sa kanilang lugar.