DAGUPAN CITY- Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang programa na “Usapang BIBA” kung saan 75 batang ina ang dumalo para makatanggap ng edukasyon, medikal na suporta, at mga kagamitang pangkalusugan.

Layunin nitong tugunan ang isyu ng teenage pregnancy at bigyan ng pag-asa sa kinabukasan ang mga kabataang magulang.

Binigyang-diin ng City Population Development Office na ang programa ay inilaan hindi lamang para pigilan ang pagtaas ng teenage pregnancy kundi para na rin bigyan ng pag-asa ang mga kabataang magulang na maibabalik ang kanilang landas patungo sa magandang buhay.

--Ads--

Kasama sa mga tinalakay ang mga kaalaman tungkol sa reproductive health, tamang nutrisyon, at mental health.

Nagbigay din ang City Social Welfare and Development Office ng lektura tungkol sa mga serbisyong maaring lapitan ng mga kabataan sa oras ng pangangailangan.

Bukod sa mga talakayan, nagbigay din ang City Health Office ng libreng prenatal at postnatal check-up.

Nakatanggap din ang mga kalahok ng food packs at hygiene kits bilang suporta mula sa lokal na pamahalaan.