Naglunsad ang Estados Unidos ng panibagong serye ng airstrike bilang tugon sa pag-atake ng puwersa ng Iran sa isang barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Bilang tugon naman sa mga opensiba ng Amerika, inanunsyo ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na pansamantalang isasara ang mahalagang daluyan ng karagatan hanggang sa susunod na abiso. Kasabay nito, nagsagawa rin ang Iran ng mga pag-atake laban sa mga base militar ng U.S. at mga kaalyado nito sa rehiyon.

Ayon sa IRGC, tinamaan nito ang isang base militar ng Estados Unidos sa Jordan. Samantala, nagsagawa rin ng depensa ang United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, at Bahrain laban sa mga missile at drone na inilunsad umano ng Iran.

--Ads--

Naganap ang pinakahuling sagupaan matapos ang magkakasunod na insidente ngayong linggo kung saan tatlong komersyal na oil tanker ang inatake, na nagbunsod ng palitan ng mga airstrike sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Nauna nang iniulat ng state media ng Iran nitong Linggo na isinara nito ang Strait of Hormuz matapos magpakawala ng naval cruise missile laban sa isang barkong umano’y dumaraan sa rutang hindi awtorisado.

Pinaputukan muna ng warning shots ang naturang sasakyang pandagat bago ito napilitang huminto matapos umanong balewalain ang paulit-ulit na babala.

Nagbabala rin ang Iran na anumang karagdagang aksyon ng Estados Unidos kaugnay ng pagsasara ng Strait of Hormuz ay sasagutin nito nang mas matindi, at maaari ring puntiryahin ang iba pang mga base militar ng Amerika sa rehiyon.