Dagupan City – Naniniwala ang isang constitutional law expert na dapat matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ngayong 2026, kasunod ng paninindigan ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal na walang sapat na dahilan para ipagpaliban ang halalan.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law expert, may mga lokal na opisyal umano na nais maantala o makansela ang BSKE dahil makatitipid ang mga lokal na pamahalaan.
Gayunman, iginiit niyang kailangan nang magkaroon ng halalan dahil marami umanong barangay officials ang hindi na kompetente sa kanilang mga tungkulin.
Dahil dito, umaasa si Cera sa legal na hakbang ni Macalintal upang maituloy ang halalan sa itinakdang petsa na Nobyembre 2, 2026. Giit niya, walang compelling reason para maantala ang BSKE, at hindi umano sapat ang mga dahilang inilahad ng Malacañang.
Binigyang-diin din ng abogado na hindi dapat mapigilan ang halalan dahil ang pagpapaliban dito nang hanggang tatlong taon ay maaaring makaapekto umano sa karapatan ng mga mamamayan na makaboto at pumili ng kanilang mga kinatawan sa barangay.
Samantala, naniniwala si Cera na maaaring i-adjust ng Commission on Elections o Comelec ang election period sakaling maglabas ng kautusan o resolusyon ang Korte Suprema.
Magugunitang naghain si Macalintal ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang Republic Act No. 12326, ang batas na nagpaliban sa pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.










